• Leah's Real Life Stories

Vanessa's Story: CHAPTER THREE

Updated: Mar 26


Leah, we went to the same school sa college. Ako Business administration at siya naman ay Architecture. Mahilig kasi siyang magdrawing, oo na hindi lang mahilig, magaling din.


Nung elementary pa lang kasi kami ay mahilig na siyang magdrawing lalo na kung bored siya, ito yung mga panahong hindi niya ako magawang asarin dahil sa isang teacher namin na namamalo talaga kapag nagmi-misbehave ka.


Magkaiba man kami ng course, kami pa rin ang laging magkasama sa tuwing breaks at sa tuwing uwian. Akala ng lahat ay magjowa kami, tandang tanda ko pa noon kung paano namin sabay sabihin ang katagang “Yuck!” sa tuwing pinagkakamalan kaming love birds.


Yuck talaga Leah. Ano namang kagusto gusto sa damuho kong best friend? Matangkad lang naman siya, makinis, katamtaman ang kulay ng balat hindi maitim at hindi rin maputi, maganda ang ngiti, at oo may itsura.


Ano namang kagusto gusto sa taong mapang asar, napapatawa ka lang naman, gentleman sayo, at saka mabait.


Sige nga, tell me, ano namang kagusto gusto sa taong ‘to?


Pareho kaming no boyfriend at no girlfriend since birth ni Luke at may bet kami noon na kung sino ang unang magkakajowa, ten thousand. Ang lagi kong bwelta sa kanya noon, nakaready na yung ten thousand ko kasi pakiramdam ko ay anytime darating na si Mr. Right.


Pero alam mo ba Leah kung ano ang sinasabi ng napakasupportive kong kaibigan? Illusyunada, illusyunada raw ako. Ang kapal niya rin talaga eh.


May mga gustong manliligaw din naman sa akin, siyempre hindi naman tayo ‘yong medyo nahuhuli kung itsura ang usapan… wait, nakakainis, while writing this naiimagine ko yung mapang asar na ngisi ni Luke.


Anyway, so iyon nga, may mga gustong mag attempt manligaw pero I don’t know if it is on my personality dahil hindi nila tinutuloy at kung nakapagsimula man, ay hindi nagtatagal. According kay Luke, bossy daw kasi ako, intimidating, at hard headed talaga. Maybe. Pero may mga nagsabi rin sa akin na yung lalaking lagi lagi ko raw kasama ang rason kung bakit takot lumapit ang mga lalaki sa akin… si Luke daw ang dahilan Leah.


Honestly, natatawa ako sa tuwing naririnig ko ito sa mga tao nun, kasi … ha? Si Luke? Seryoso ka?


Lagi lang naman kaming magkasama, nothing more. Pero ang depensa ng mga iba, yes, kung yung mang relasyon namin ay purely friendship lang para sa amin … iba sa mga nakakakita. Dahil to be honest daw, mas magjowa pa kami sa magjowa and, it’s absurd but, they think Luke and I are actually soulmates.


Lagi kami talagang magkasama ni Luke na parang iisa lang ‘yung sistema namin and we couldn’t function without each other. Kaya lang, our busy schedules in college got in to the way at dumating nga ‘yung araw na biglang naging madalang na lang kami magsama ni Luke. Nasa second year college na kami noon at busy raw siya, hindi ko na lang kinulit dahil busy rin naman ako.


After almost a month na text lang ang communication namin, biglang siyang nag appear sa bording house ko noon. Sa totoo lang ibang iba siya nun na at yung bago niyang itsura ang nakapagpagulat talaga sa akin at hindi iyong biglaan niyang pagdating sa apartment ko.


Malinis kasi sa katawan si Luke, well siguro nakatulong sa maintenance ‘yung pagbubunganga ko sa kanya sa tuwing tinatamad siyang magshave ng mukha. Honestly, ayoko kasi ng may balbas at sa tuwing nakikita ko ng tumutubo ang balbas niya, ipapa-shave ko na sa kanya.


Pero nung mga panahong iyon, meron na siyang balbas tapos yung buhok niya medyo napahaba na rin. Tatalakan ko na sana siya Leah at nasa dulo na ng dila ko iyong unang katagang nais kong ibato sa kanya when he disarmed me by waving money right in front of my face. Hindi nag-sink kaagad sa akin yon at sinabi kong sa wakas naman at nakapag isip isip na siyang magbayad ng utang sa akin kaya lang nang mapatingin ako sa kanya tapos sa pera, doon ko na napagtanto….ten thousand, Leah.


Ten thousand at isa lamang ang ibig sabihin. He is already taken.


With a ten thousand bill waving at me, humagalpak ako sa tawa. “You mean may nagkamali na sayo?” Ang tumatawa kong sabi. “Sino? Ipacheck up nga natin ang mata. Siguradong may sira.”


At mas lalo ngang napalakas ang tawa ko nang bigla niyang ipitin ang ulo ko sa kilikili niya. Lagi niya itong ginagawang pang asar sa akin. At Habang nagpupumiglas ay nage echo sa room ko yung mga halakhak namin… bagay na hindi ko man aminin ay namiss ko nga sobra. To be honest those weeks na hindi kami magkasama ay ang tahi-tahimik ng buhay ko.

Tawa kami lang ng tawa nun na parang mga literal na bata habang pinipilit kong makawala sa kanya. Nilet go niya lamang ako nang mapaupo na kami sa sofa. Pansamantala kaming natahimik to catch our breath at nang bumalik na sa normal ang aking paghinga ay tinanong ko kung sino.


Sino siya? Ay wait, ang una ko pa lang sinabi ay kung babae ba o lalaki. Binatukan niya ako nun at saka muling ngumiti at hindi ako pwedeng magkamali, namumula yung pisngi niya. So it’s true nga Leah kaya naman ay muli ko siyang tinanong kung sino, pero seryoso na ako that time.


Napalaki ‘yung ngiti niya at saka sinabing Erica… Erica raw ang pangalangan ng girlfriend niya.


Doon ko napagtantong seryoso nga si Luke dahil may pangalan siyang binanggit at si Erica….Si Erica na 1st runner up sa pageant sa campus namin noon. She is quite popular sa university namin dahil na rin sa talagang super active niya sa school at kung may mga events and activities sa school, siya at yung pangalan niya ang laging nakikita kaya naman napaka-imposibleng hindi mo siya kilala.


Tinitigan ko si Luke upang makasigurado. I was searching for any emotions that would discredit the news he just told me but I found nothing Leah. Instead, ang nakita ko lang ay yung matamis at tila kinikilig niyang ngiti.


Muli pa akong tumawa noon dahil aside from hindi ako makapaniwala na may girlfriend na siya, si Erica pa pala na beauty queen ng campus. Malakas ang halakhak ko noon pero mabilis ding naglaho nang hindi man lang tumawa si Luke.


So totoo nga Leah. May girlfriend na ang damuho.


Well bagay nga naman sila. Si Erica, sobrang ganda habang si Luke medyo…oo na, gwapo. Walang rason na hindi sila bagay.


Pinakilala ako ni Luke kay Erica. Nakikita ko na siya sa campus pero yun yung kauna unahang nagexchange kami ng greetings.


Hindi lang basta maganda si Erica, matalino rin, mahinhin at saka sweet. Nasa canteen kami noon at kitang kita ko kung paano pilit mag adjust si Luke.


Pag kami talaga ang magkasama, nasasabi niya lahat at nagagawa niyang mag ingay but sitting beside his girlfriend, para siyang maamong tuta. Yung nakaupo lang tapos napakainosente. Yung dalawang kamay niya nun nakainterlock with each other tapos nasa table, alam niyo yung pag sasabihing sit erect ng teacher tapos may hawak siyang pamalo na ihahampas sa kamay mo kapag hindi ka sumunod, ganun na ganun yung itsura niya.


Si Luke, oo lalaki, pero sa tagal namin magkakilala maharot siya at magalaw. Hindi yan nakakapag-stay ng matagal without moving or doing something.


And it took all the best of me not to laugh out loud right at that moment. Honestly, kung kilala mo si Luke, ang pangit niyang tignan pag sinusubukang maging mabait at sinusubukang itago yung mapang asar na side niya.


Hindi pa rin siya nagshe-shave nun at alam ko na kung bakit. It’s because of Erica. Well ganun nga kasi talaga kapag mahal mo ang isang tao, gagawin mo ang lahat pati yung mga bagay na hindi ka naman sanay.


At alam ko Leah at siguradong sigurado ako na si Luke, ang best friend ko ay talagang tinamaan na.


At yun nga Leah, dahil may girlfriend na ang bestfriend ko, kinailangan nang sa kanya na mapunta ang attensyon ni Luke. At ganon na nga ang nangyari. Luke was completely head over heels kay Erica. Sino ba naman ang hindi?


Kitang kita ko kung paano mag-adjust at mag-effort si Luke bagay na noon ko lang nakita na ginawa niya sa isang babae. Oo, gentleman siya at marespesto sa mga babae - sa akin lang talaga yan kung umasta parang hindi ako babae sa tingin niya, pero yung mga bagay na ginagawa niya for Ericka like ‘yung maghintay sa kanya sa mga practices niya at piliting makisalamuha sa mga sosiyal na kaibigan ni Ericka … noon niya lang ginawa.


Siguro ito na yung inevitable na sinasabi. Yung darating at darating talaga yung panahon na meron ng ibang babae na hindi kaibigan ang turing niya ang sasamahan siya, hahawakan ang kamay niya sa tuwing ninenerbyos siya, ire-remind siyang uminom ng tubig dahil kung tubig ang usapan makakalimutin siya, intindihin yung mga trip niya at marami pang iba.


It was okay with me at naiintindihan ko dahil isa lamang akong kaibigan. Kung meron mang dapat mag adjust sa amin ni Erica, ako iyon.


Hindi na kami sabay kumain, gumala, at umuwi ni Luke dahil si Erica na ang lagi niyang kasama. Kapag nakakasalubong ko sila sa campus at kahit saan, kitang kita ko kung gaano kainlove si Luke sa kanya.


Sobra akong nanibago Leah, sobra. Pero ganun talaga, kailangang mag adjust especially at makikita mo talaga na masayang masaya ang bestfriend ko sa piling ng girlfriend niya.


Sa pagkawala ni Luke, ako naman ang may nakilala. Si Ryan na taga IT department at siya ang pumuno sa space na iniwan ni Luke. Lagi kaming magkasama hanggang sa niligawan niya ako at naging kami.


I introduced him to Luke. Nasa mall kami nun at kasama niya si Erica. Kitang kita ko kung paano siya nabigla at alam kong nagtatanong na noon ang kanyang mga mata kung ‘paano ako biglang nagkaboyfriend?’


Sa absence niya, enough na yon na kasagutan Leah dahil marami ang nangyari magmula noong binuhos niya lahat ng attention niya sa kanyang girlfriend.


Dahil may girlfriend na si Luke at mayroon na rin akong boyfriend, tuluyan na ngang naging imposibleng maibalik pa namin yung dati.

48 views0 comments

Recent Posts

See All