• Leah's Real Life Stories

LJ's Story: CHAPTER TWO

Updated: May 12


Siguro sa lahat ng mga bakla, isa ako sa may mga pinakamahabang buhok. Oo, parang babaeng niligawan ako ni Alex.


Sa una talagang kwinestion ko rin ‘yung motibo niya kasi nga aminin na natin, hindi araw araw may ganito. Kung pera, saan niya naman gagamitin eh may sarili na siyang restaurant? Hindi naman pwedeng spy siya o ano kasi nga magkaiba naman kami ng business.


Sa una, ayaw kong maniwala sa mga pa-roses niya at pa-dinner dates pero ‘yung mga bakla na mismo ang nagsabi sa akin na grab na, kung hindi ko raw papatulan, sila na mismo ang gagawa. Sa totoo lang, naiinggit sila at talagang iginiit na bakit daw ako eh mas maganda naman daw sila kesa sa akin.


Uh, about sa maganda thing, I am not sure kasi hindi naman pakakabog ang ganda ng tita mo Leah.


Kaya ayun, siguro after 2 months bumigay din ako at tsaka sinagot siya. Siya ang first boyfriend ko Leah and I was really thankful na siya ngunit a part of me was afraid that time because he was too good to be true na baka nga nasa isang panaginip lang pala ako at any moment magigising at hindi pala nage-exist ang isang Alex.


Pero sa ilang beses kong pagsampal at sabunot sa sarili ko upang gisingin ito, palagi pa ring nariyan si Alex and so it’s true Leah, hindi ako nananaginip at meron akong isang Alex na siyang walang ibang ginawa kundi ang mahalin lang ako.


Tumagal nga kami ng 6 years ni Alex, Leah. ‘Yung trato niya talaga sa akin parang isang babae, ‘yung sinusundo, binibigyan ng bulaklak, ‘yung ide-date, ‘yung araw araw may text at parating may mga surprises. Ganon, so sinong hindi mahuhulog?


Hindi rin ako ikinahiya ni Alex kaya naman wala kaming rason para magtago. ‘Yung mga judgments, of course present na present pero we were too in love to even care what the society says.


Kami ang magkarelasyon, kami ang nagmamahalan, it’s not like our lives can interfere with theirs, sadyang wala lang siguro silang magawa sa buhay kaya ganun at marami silang oras para pag-usapan o pagtsimisan ang magandang buhay ng kanilang kapwa.


Alam kong mahal ako ni Alex, Leah, damang dama ko ‘yun sa bawat yakap niya, halik, at sa mga gestures niya. At ganon din ako sa kanya, mahal na mahal ko rin siya. Pakiramdam ko nun wala ng makakapaghiwalay pa sa amin, na kami na sa dulo kahit pa man hindi kami pwedeng ikasal dito sa atin. Okay lang sa amin ‘yun, basta for as long as we’re together, we’re happy.


Hindi na namin hinangad ‘yung bagay na imposible mangyari which is ‘yun nga ‘yung ikasal kami, we were just simply contented with being together. Ang nasa isip lang namin nun, papel lang naman ‘yung wala kami, mas malaki ‘yung meron sa amin at ito ‘yung puso ng isa’t isa. And so Leah, we couldn’t ask for more kasi ‘yung meron kami higit pa sa higit pa. For as long as there is the love, we’re okay and we will be okay.


Kaya lang, itong love na sinasabi ko, nagulo and if I thought I was 100% sure about Alex, bigla akong na-confuse nang may isang taong dumating at walang ibang ginawa kundi ang paulit ulit na bwisitin ang araw ko


Dahil sa lumalaki na rin ang business ko Leah, kinailangan ko ng admin officer/secretary, ‘yung maghahandle sa paper works, calls na rin ng mga clients, at mage-entertain sa mga bisita. So nag-open nga ako ng job vacancy.


Leah, alam kong malinaw pa sa malinaw ‘yung nakalagay na with pleasing personality. ‘Yun pa nga ang nilagay kong pinaka-una kaya lang sa lahat ng mga nag-apply, bakit ‘yung pinaka-qualified ni hindi alam ayusin ang buhok?


Noon Leah, talagang medyo umiinit na rin ang ulo ko dahil dalawang araw na at wala pa rin akong makitang qualified sa lahat ng mga naga-apply, hindi rin naman biro ‘yung ipapasahod ko kaya ganun. Not until, a lady but that time I can’t even consider her as one, came to the office wearing a hideous pair of shirt and slacks tapos ‘yung buhok niya, ewan ko kung dahil ba sa nag-commute siya kaya talagang sabog.


Kung ako sa kanya talagang mahihiya ako pero ang bruha, very confident at ni hindi nga nag-stutter kahit pa all throughout the interview ay tinititigan ko lang siya in disbelief. ‘Yung nasa utak ko talaga anong klaseng babae itong nasa harap ko.


Sa totoo lang, nung hindi pa siya nagsasalita, ico-cross out ko na sana siya kaagad sa list of applicants at papapasukin ‘yung next, kaya lang just the way she answered my questions confidently at base nga sa resume niya ay may maganda siyang record … kaya kahit man ang sakit sa mata nung neon orange niyang blouse, sa kanya ko ibinigay ‘yung trabaho.


Siya si Dean. 4 years younger lang sa akin at nung nag-apply siya sa company ko, kaka-resign niya lang sa trabaho.


And as days go by Leah, hindi ko pwedeng ipagkaila that Dean is extra ordinary. Noon, gustong gusto ko siyang sabunutan talaga pero still, she is extra ordinary and I cannot explain why.


Si Dean, lalong lalo pa nung mga unang araw niya sa kompanya ko, ay talagang gustong gusto kong sabunutan at pagguguntingin ‘yung mga damit niya kasi Leah, ang sakit sakit lang din sa mata. Tapos idagdag pa natin ‘yung buhok niya na hindi niya talaga alam suklayin.


And after two weeks, hindi na nga ako nakatiis at kinaladkad ko siya mismo papunta sa parlor ni mamu at ako na mismo ang nagbigay treatment sa buhok niya. Nagrereklamo siya nun na masakit daw ‘yung paghatak hatak ko sa buhok niya pero ang sabi ko bagay lang sa kanya para magtanda. Ke babaeng tao ni hindi alam ang magsuklay.


Tumatawa tawa rin ang mga bakla nun dahil sa pag-aray aray ni Dean na sa totoo lang may mga kasama pang mura. Oo, boss niya ako pero nagagawa niya ‘yon. And I know it is strange, pero nasanay na lang din ako kahit pa man 2 weeks pa lang siyang nagta-trabaho. Aware na aware din akong bakla ang tawag niya sa akin kasi haler, ang bruha ni hindi alam i-filter ang bunganga.


Oo, bakla ang tawag niya sa akin. At ako naman, bruha sa kanya. So it’s a tie. Bruha naman kasi talaga siya, witch ganon. Kulang na nga lang bilhan ko na siya ng walis tingting at kawali para ipa-ano ko na sa kanya ‘yung mga tsismosang kapitbahay namin na hindi matigil tigil.


After hours which felt like eternity, nagmukha na siyang tao konte. And honestly, I just couldn’t help myself to find out kung ano ang itsura niya kung talagang maayusan, nilagyan ko siya ng make-up.


And after, super cheer ‘yung mga bakla. Oo, her clothing aside, nagmukha na ngang tao ang bruha. Oo may ganda siya pero mas maganda pa rin ako, duh.


Hanggang sa bigla siyang magsalita, “bunganga mo bakla,” at dun ko lang na-realize na napatitig pala ako sa kanya with my mouth open.


Tinodo ko na ang pagmake-over sa kanya Leah dahil pagkatapos sa parlor, binigyan ko siya ng mga damit. Parang pa-free bee ba, but well, I would be lying kung sasabihin kong hindi siya naging instant model ng mga damit namin. Though, kinailangan ko lang talaga siyang pagsabihan na umaktong babae kahit konti lang lalong lalo na at suot suot na niya ang damit na ako mismo ang gumawa.


Pero iba rin ang level ng kapal ng bruha Leah. Because after kong mapagod ayusin ‘yung buhok niyang konti na lang talaga may dadapo ng ibon at pagkatapos ko siyang make-upan at bihisan, alam mo ang iginawad sa akin? Pinuna ang pagkilay ko sa kanya, hindi raw pantay. Ano ba yan hindi raw ako marunong.


Aba aba, of course, tinaasan ko ng kilay ang bruha at sinabi sa kanya ang katotohanang hindi ang pagkilay ko sa kanya ang mali, sadyang hindi lang pantay ‘yung mga kilay niya in the first place kaya ganun.


At panigurado ang ginagamit niya sa kilay niya ay ‘yung pambunot niya rin ng buhok sa kili kili. Sa totoo lang masyadong matabil ang dila niya, iba ang tabas Leah. Dahil dito ilang beses ko na rin siyang gustong gusto talagang sabunutan at i-risk muli ang mga kamay kong hawakan ‘yung alagang langis na buhok niya na pwedeng pwede na ring magprito sa ulo niya kapag mainit sa sobrang oily … Oo, ganon ako kagigil sa kanya Leah pero just when I am about to pull her hair, instant na magwi-withdraw ‘yung kamay ko kapag narinig ko na ‘yung satisfied niyang tawa kapag alam niyang nakapuntos siya sa akin.


Oo hindi ko alam, hindi ko maintindihan, but the way her eyes and lips curved at mage-echo na ‘yung nakakahawa niyang tawa, wala na ang bakla, mapapailing na lang at matatawa na rin.


Alam mo ‘yung ikaw ‘yung boss pero ‘yung employee mo kung mangatwiran at kung maka-okray parang magbarkada lang kayo sa inuman, can you imagine? Ganun na ganun ang bruha sa akin.


Well, sa aming dalawa dapat ako lang ‘yung pwedeng magsalita, ako ‘yung boss remember? Pero ‘yun nga Leah, iba ang level ng kakapalan ng mukha ng bruha at talagang kung ano ‘yung nasa isipan ay ‘yun ang ivo-voice out niya.


Oo, minu-minuto ko siyang ino-okray because Leah, andaming kapuna puna sa kanya. Basta ‘yung bottom line, para siyang ibang tao na nasa katawan lamang ng babae at hindi aware kung paano nga ba ang galawan ng isang babae. Alam mo ‘yung kailangan ko pa talaga siyang turuan kung paano ang maglakad on heels kasi ang bruha, ni 2 inches mapipilayan na.


Hindi ko mawari kung saang planeta ba siya nanggaling. And another thing Leah, ito trivia ‘to, alam mo ba kung saan niya kinukuha ang pangload niya at pang-text sa akin?


Sa pagkakaalam ko she’s being compensated well naman with all the bonuses, pero nakakaloka Leah, ‘yung load niya ay ‘yung mga freebies, ‘yung mga nasa surf, downy, at kung ano ano pang product diyan.


Halos maglupasay na ako sa floor nang malaman kong nangongolekta siya ng ganun at ‘yun ang kine-claim niyang pangload.


Ganun siya ka extra-ordinary, sa 20 years …. Oo na, basta sa below 40 years kong taon dito sa mundo, noon lang ako nakakita ng ganong babae tapos alam mo ba kung ano ang reaction niya? Ni konting bahid ng hiya man lang wala, bagkus, tinanong niya pa ako kung ano ang ginagamit kong sabon panlaba kasi kung ‘yung gamit niya, baka pwede ko na lang daw ibigay sa kanya.


And it took me everything not to just throw her inside the washing machine para malabhan ‘yung utak niya dahil sa konsumisyon.


Pero kidding aside, though hindi ko sasabihing walang tama sa utak ang bruha dahil sigurado ako na meron. Pero ‘yun nga Leah, nakita ko ‘yung pinanggagalingan ni Dean nung isang araw ay siguro dahil na rin sa lagpas ulo ko na ‘yung stress ay napagalitan ko ng bonggang bongga ang bruha.


Hindi ko na maalala kung ano ‘yung mga pinagsasasabi ko nun, basta alam kong masasakit dahil nawala ‘yung Dean na laging may sagot. Instead, ang nakita ko nun ay isang tao na noon ko lang din unang nakita … hindi ako pwedeng magkamali dahil hindi ako kumurap nang tignan ko siya sa mata and I saw how hurt she was at alam kong pinipigilan niya ‘yung mga luhang nagbabadyang lumabas.


Yes, I know I have the attitude na masakit magsalita kapag talagang hindi ko na ma-control ‘yung stress at init ng ulo ko.


Gusto ko ng iuntog noon ang ulo ko dahil alam kong there was no way I could take back what I’ve said to her lalong lalo na nung mag-walk out siya nung hindi na ako muli pang nagsalita.


Si Dean, siya talaga ‘yung clown at gustong gusto siya ng mga bakla sa kompanya ko at maging sa parlor ni mamu. Sa totoo lang ay mabait siya, sobra, kitang kita naman siguro nung hinintay niya pang matapos akong mag-alburoto bago siya umalis.


‘Yung talagang pinakinggan niya pa talaga ako kung pwede naman na siyang umalis kapag ganon na ang sitwasyon. Hindi rin talaga marunong sa timing ang bruha dahil kung kelan hindi kawalk-out walk out ‘yung sitwasyon, doon naman siya aalis. Gaya ng pag walk out niya sa akin sa tuwing masyado na akong tuwang tuwa sa pang aasar sa kanya.


Anyway, after kong mag-lash out sa kanya, hindi na ako kinibo ng bruha. I thought she will eventually come around kapag nakapag-cool down na, kaya lang hindi siya pumasok the following day.


Leah, ako ‘yung taong ma-pride rin talaga, kung ayaw mo, eh di ayaw mo. I am not the one na maghahabol pero ewan ko talaga, dahil pinuntahan ko siya sa bahay nila at doon para akong naging instant manliligaw at sinuyo siya buong araw.

167 views0 comments

Recent Posts

See All