• Leah's Real Life Stories

Beth's Story: CHAPTER ONE

Updated: Mar 26


Dear Leah,


I honestly do not know how to start this letter, but I don’t want to beat around the bush. So maybe I will just start by saying a blatant fact, I was the fiancée, I was the one who wore the engagement ring, I was the one whom he asked to marry, but somebody else, not me, who will walk down the aisle.


Yes, sa akin siya nag propose, ako yung sinuotan ng singsing, at ako iyong inaya niyang magpakasal… pero ibang babae ang ihaharap niya sa altar. And this is not a make believe story, o dahil napasobra lang ako sa kakanood ng Korean drama.. This.. is.. an excruciating reality… my reality na kung pwede lang, Leah, gusto kong tuluyan nang mabura sa aking alaala.


Pero alam mo kung ano iyong pinakamasakit? Itong taong sinasabi ko, ay hindi estranghero, hindi rin yung anak ng malandi naming kapit bahay, o di kaya yung kaibigan kong napaka accommodating sa lahat ng lalaki. Etong taong to, Leah, oo, etong taong eto ay sobrang lapit sa akin. Well, this person is my sister. She’s this somebody, I’m referring to.


But before I continue, call me Beth. And yeah, this is a story that I wished would somehow just be a nightmare kung saan magigising ako, na okay ang lahat. Na maayos ang lahat. But it already happened. And all I could do is to deal with it.


Taga Isabela po ako, and I happened to discover your radio station from a post shared by an acquaintance sa Facebook. Nagbro-browse ako nun nang makita ko ang isang link na i-shinare ng isang tao and that was the story of Narie.


Naantig ako sa kwento ni Narie, kaya naman heto ako ngayon at nagsusulat upang ibahagi naman ang aking kwento na hanggang ngayon ay pinipilit ko pa ring kalimutan pero hindi ko magawa gawa. I know letting go is a process, but I want it fast dahil hindi ko na rin gustong i-hate ang pamilya ko.


Pero gustuhin ko man, ang hirap- hirap pa rin at ang sakit- sakit Leah. I’ve never felt so betrayed in my life, and I know that if you ask anyone which betrayal is the hardest and cruelest of all? I’m sure they would agree with me if I’m going to say that it’s the betrayal from your family.


I believe my family is hurting,too, lalong lalo na sina daddy at mommy but how to forget and how to let go when your heart just keep on remembering that horrible night, so please tell me, tell me how should I let go that easy?


Apat kaming magkakapatid at ako yung pangalawa. Two years ang age gap namin ni kuya Daniel then 3 years ang agwat namin sa sumunod sa akin na si Derrik, then a year and a half ang agwat naman nila sa bunso naming si Bianca. So it’s even, 2 girls and 2 boys.

Our father is a police officer while our mom is a public school teacher. Pareho silang public servant. Si daddy istrikto sa mga police niya pero sa amin though strikto rin, he is still so cool. Hindi gaya ni mommy, siya caring pero when it comes to rules … rules dapat. Gaya ng curfew, dapat high grades, at dapat nagpe-perform ng maayos sa school.


Wala itong papalampasin kapag lumabag ka and you know what’s the punishment? You don’t even want to know.


Hindi ka kasali sa Friday movie night or di naman sa Saturday dinner or sa Sunday gala ng pamilya. Siguro simple lang para sa iba, pero sa amin hindi.


Sino namang gugustuhing maiiwan lang sa bahay habang ‘yung buong pamilya mo ay wala at nagsasaya? Tapos pag-uwi, ‘yung mga kapatid mo dala dala ‘yung mga bagay na binili nila mommy at daddy para sakanila?


Sino ang may gustong mao-OP sa tuwing ‘yung mga kapatid mo bukambibig ‘yung pinanood nila tapos ikaw hindi ka makasabay at magcre-create na lang ng mental image base sa mga kwento nila?


Sino ang may gusto nung mapapatitig ka na lang sa mga pictures o selfies ng mga kapatid mo na ang background nila ay yung lugar na pinuntahan nila habang kitang kita kung gaano sila nag-eenjoy?


Well, sino? Eh di ako. It’s not that I don’t like spending time with my family and travelling with them, it’s honestly the contrary. Gustong gusto kong kasama sila kaya lang ako kasi ‘yung magalaw at saka pasaway.


Kaya ayun, ako ‘yung laging naiiwan sa bahay habang ‘yung pamilya ko nagsasaya nang hindi ako kasama.


Lahat ng mga kapatid ko ay sobrang behaved, honor students, at talagang popular sa school. Si kuya Daniel isang dancer at nagpe-perform sa kung saan saan, si Derrik naman ay swimmer at laging champion, at si Bianca, siya ang orator at pinakamatalino dahil siya ang laging top one.


Proud na proud sina mommy at daddy na every award ay talagang pinapa-frame at nilalagay sa wall ng bahay namin na actually punong puno na.


Ako? Ayun most punctual lang ang ambag.


Hindi ko alam nun Leah kung hyperactive ba ako kasi sobrang likot ko talaga na walang araw na hindi sasabihin ni mommy ng buo ‘yung pangalan ko, at alam naman natin kapag kumpletong binanggit ng magulang mo ‘yung pangalan mo, you know you are in trouble and they are so angry.


‘Yung pagkapasaway ko hindi naman ‘yung hindi ako papasok sa klase o kaya mage-escape, hindi ganon bagkus ay talagang magalaw lang ako at hindi ko kayang magstay sa isang place nang walang kinakalikot o ginagawa.


For example kapag ‘yung teacher nagsusulat sa blackboard at nakatalikod, gagawa ako ng mga silly actions hanggang sa magtatawanan ang mga kaklase ko kaya ayun, matatawag na naman ‘yung pangalan ko.


Actually, lagi ko ring nakakaligtaan pumasok sa klase, hindi dahil sa sinasadya ko o ano, hindi ko lang talaga mamamalayan yung oras sa tuwing tinutulungan ko si Aling Paning na siyang gardener at janitress sa school.


Si Aling Paning nasa 60s na at gustong gusto ko siyang tinutulungan kahit pa man papaalisin ako niyan kapag alam niyang oras na ng klase… pero wala eh, babalik at babalik pa rin ako. Alam niyo ba ‘yung ganun ako kakulit na mapapakamot na lang lagi si Aling Paning sa katigasan ng ulo ko.

Honestly Leah halos si Aling Paning ang naging best friend ko noong elementary ako. Hindi ko siya tinatantanan at kahit lagi akong ipagtabuyan niyan sa tuwing oras na ng klase ay hindi pa rin ako aalis hanggat sa hindi ko siya natatapos matulungan.


Maaga akong pumapasok sa school, supposed to be ay ida-drop by kami either ni daddy o mommy gamit ang sasakyan nila, ako mas pinipili kong maglakad sa umaga dahil kung hihintayin ko pa sila ay hindi ko na maabutan si Aling Paning sa garden.


Mas pinipili kasi niyang tapusin ang trabaho niya sa garden ng school ng umaga para raw hindi siya maabutan ng araw kaya naman ang ginagawa ko ay 7am sharp nasa paaralan na ako at tutulungan si ALing Paning na magbungkal ng lupa o di naman kaya mangtanggal ng weeds or roots.


When it comes to cleaning, ako ang nagboboluntaryo na magtanggal ng cobwebs o di naman kaya magpunas ng jalousie kasi bukod sa gustong gusto kong umakyat ay nahihirapan si Aling Paning dahil noon ay iniinda na niya ang sakit sa balakang at tuhod gawa na siguro ng pagka senior citizen.


Lagi kaming nagkwe-kwentuhan nun ni Aling Paning, sa totoo lang ay hirap sila sa buhay. ‘Yung asawa niya si Mang Berto ay nakikisaka lamang at hindi naman gaanong nakakapagtrabaho dahil sa sakit niyang asthma. May anim silang anak at dalawa na lang ang nag-aaral dahil yung mga iba nagsipag-asawa na at hindi nakapagtapos ng pag-aaral.


Lagi kong sinasamahan at kinukulit si Aling Paning, ewan ko ba kung bakit ganun kahaba ang patience niya at natitiis ako, bagay na hindi magawa ng aking mga guro at maging si mommy. Alam kong naloloka siya sa mga kwento at pinaggagagawa ko pero at the end, hahagalpak lang yan ng tawa.


By the way, anak ang tawag ni Aling Paning sa akin. To be honest, we were like a mother and daughter and of all people, siya ‘yung laging nariyan para sa akin.


Gaya nga ng sabi ko Leah dahil sa hindi ako nakakapasok sa mga klase ko ay laging napapatawag sina mommy at daddy at ang laging nakapaskil sa mukha nila kapag nakatingin sa akin ay puro disappointment. Alam ko yun at damang dama ko yun Leah, pero ewan ko ba at hindi ko magawa-gawang magbehaved.


Hanggang sa my mother reached her limits one time, I was in 5th grade at inutusan ako ni daddy na kunin ‘yung cellphone niya sa table ni mommy na noon ay nakapatong ang bagong certificate ni Bianca na nakuha niya sa speech competition na sinalihan niya.


Sa table ni mommy, mayroong kape at hindi ko matandaan kung paano ko kinuha yung cellphone ni daddy at natabig yung kape na nakapatong sa libro dahilan upang mabuhusan at mabasa ‘yung certificate ni Bianca.


Aayusin ko pa sana nang marinig ko na ang nakabibinging sigaw ni mommy na noon ay nahablot ang waling tambo na nakasabit sa likod ng pintuan at saka mabilis niya akong hinataw. Yung kamay ko nun napunta sa ulo ko dahil kung saan saan na ako tinatamaan ni mommy.


Galit na galit si mommy noon, sobra. Sa galit niya ay nakapagbitaw siya ng mga salitang gaya ng “ang tanga tanga mo!”, bobo, hyperactive, at hindi normal.


Hindi ako nun makatakas kay mommy dahil talagang nacorner ako. Tumigil lamang siya nang dumating si daddy at inawat siya.


Umiiyak ako nun na napatakbo palabas ng bahay at saka tinahak ang halos limang kilometrong daan papunta sa taong alam kong tanging nakakaintindi sa akin…si Aling Paning.


Dahil sa Sabado noon wala si Aling Paning sa bahay nila dahil naglaba daw ito sa bahay ng isang teacher sa school namin, ganun kasi kapag weekend, tumatanggap siya ng labada. Si Mang Berto nasa bukid kaya naman sina Max at Ate Alyana lamang ang naroon. Actually ka-close ko sila dahil na rin sa araw araw kong pagsama sa nanay nila.


Si Max ay kaedad ko lang samantalang si Ate Alyana ay kaparehas ni kuya Daniel ko ng edad. Si ate pinainom ako ng tubig at pilit akong pinapakalma noon, sila ni Max. Hindi ko masyadong ininda yung sinabi ni mama sa akin nun kasi sa totoo lang hindi naman bago sa akin yung ganung mga kataga, sa totoo lang ay lagi itong sinasabi ng mga tao sa akin … na tanga raw ako, bobo, at hyperactive.


Siguro dahil sa gulat at sa hapdi ng katawan ko ang iniiyak ko nung mga puntong iyon.


Mga alas dos na nung magkasunod dumating sina Mang Berto at Aling Paning. Gulat na gulat sila pareho nang makita ako lalong lalo na si Aling Paning na mabilis akong nilapitan at saka sinuri ang mga namumulang parte ng aking mga kamay. Itinaas niya rin noon ang t-shirt ko upang suriin ang likod ko.


At nang matapos siya ay makikita kong nagtutubig ang mata niya. Hindi siya nagsalita bagkus ay niyakap niya ako, hindi sobrang higpit, yung katamtaman lang, giving consideration sa mga pasa sa katawan ko.


Hindi ko pa maintindihan nun Leah, pero yung init ng yakap at tumatagos na pagmamahal ni Aling Paning ang nakapagpa-iyak lalo sa akin.


Hinatid ako nila Mang Berto at Aling Paning sa bahay. Si daddy lang ang nandun at pinasalamatan ang dalawang matanda. Nang makaalis sina Mang Berto at Aling Paning ay sinuri ako ni daddy.


Kita ko ang awa sa mukha niya nang mapatingin ako sa mata niya habang hinahaplos niya yung ulo ko. Gaya nga ng sabi ko ay hindi ko pa maintindihan ang pangyayari noon, ang alam ko lang hindi ka mabuting anak kapag nagagalit ang parents mo sa’yo kasi bakit naman sila magagalit kung maganda ‘yung mga ginagawa mo diba?


Right there and then, nag-sorry ako kay daddy at saka niya ako niyakap. Ganun din ang ginawa ko nang makauwi si mommy, nagkayuko ako nun at nag-sorry.


Tumango lang siya at ayun, gaya ng dati ay hindi na naman ako kasali sa movie date, sa dinner, at sa family gala. Wala eh, nagpasaway na naman kasi ako.


Pero to tell you honestly Leah, kahit naiinggit ako ay hindi ko magawang magalit sa mga kapatid ko dahil pasimple silang bibili ng para sa akin kapag lumalabas sila nang wala ako. Si kuya at Bianca nun ang mamimili tapos si Derrik na siyang mahilig magtago ng bagay ang magpupuslit dun sa binili nila para sa akin.


Well, pasaway ako Leah eh. Ganun lang siguro talaga. I have to face the consequences of my actions.

52 views0 comments

Recent Posts

See All